Napoles, nailipat na sa Camp Bagong Diwa

ABS-CBN News

Posted at May 16 2017 10:59 AM

Nailipat na si Janet Lim Napoles, ang umano'y mastermind ng pork barrel scam, sa Camp Bagong Diwa sa Taguig kaninang madaling araw ng Martes.

Bandang 4:05 ng madaling araw nang mag-abiso ang mga guwardiya ng Correctional Institution for Women sa Mandaluyong na lalabas na ang convoy ni Napoles, kasama ang SWAT team, bomb squad, at pulis na security.

Nakapasok sa Camp Bagong Diwa ang convoy noong 4:30am, at idiniretso si Napoles sa female dormitory ng Taguig City jail.

Sa inisyal na impormasyon mula sa Bureau of Jail Management and Penology, pagdating ni Napoles sa BJMP facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig, ididiretso muna siya sa Reception and Diagnostic Center para isailalim sa physical exam.

Dadaan din siya sa booking procedures at saka ire-reorient sa mga tuntunin ng BJMP.

Naganap ito halos 10 oras mula nang dalhin sa Camp Bagong Diwa ang court orders at commitment orders mula sa 1st at 3rd Division ng Sandiganbayan na nag-uutos ng paglipat ni Napoles.

Inilabas ang mga order na ito noong Lunes matapos ibasura ng korte ang hiling ng kampo ni Napoles na ilipat ang kustodiya niya sa National Bureau of Investigation. Wala umanong pruwebang nagsasabing may panganib sa kanyang buhay sa BJMP, at ayon sa batas, ang BJMP ang may jurisdiction sa mga akusado habang nililitis pa lamang ang kaso.

Nauna na ring humirit ang defense team ni Napoles na dapat nang alisin ang kanilang kliyente sa CIW dahil hindi na siya convicted prisoner matapos siyang i-acquit ng Court of Appeals sa kasong serious illegal detention. Nagsilbi siya ng panahon sa CIW para sa dating sentensyang reclusion perpetua.

Sa ngayon, ongoing pa ang tatlong kaso ng graft, plunder, at malversation of funds laban kay Napoles, kung saan co-accused niya sina dating Senator Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, at Ramon 'Bong' Revilla Jr.

-- May mga ulat nina April Rafales at Michael Delizo, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.