Mga mambabatas, hiling na matigil ang fake news at trolls

Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Posted at May 16 2017 07:02 PM

Pinag-aaralan na nga mga senador kung paano mahahanap at mapaparusahan sa ilalim ng batas ang mga gumagawa at nagpapakalat ng mga peke at maling balita o fake news gamit ang internet lalo na sa social media.

"Unlike mainstream media, walang accountability ang mga nandun. Kaya andun ang fake news, minsan sobra, minsan nambabastos na," ani senador JV Ejercito sa isang panayam sa Senado.

Lumabas ang panukala matapos kumalat ang maling balita na magkahawak-kamay na bumisita sina Senador Francis Pangilinan at Senadora Risa Hontiveros sa nakapiit na senadora na si Leila de Lima.

Pinabulaanan ng mga senador ang maling balita at nagpakita ng mga litrato na nagpatunay na peke ang impormasyong kumalat sa social media.

Gusto ring isama ni Senadora Nancy Binay sa batas laban sa fake news ang mga trolls at bashers o iyong mga naninira ng walang basehan online.

Isa si Binay sa mga pulitikong pinutakte ng panlalait at paninira sa internet dahil sa kayumangging kulay at pananamit.

"Vicious siya... Parang may wall. 'Yung hindi mo kayang gawin face to face, ginagawa nila through tweet or dun sa mga post nila thinking na di sila makakasakit pero may nasasaktan?," sabi ni Binay.

"Balita ko malaking industriya na ang trolling ngayon. Aralin natin ang industriyang iyan at pagbayarin sila ng buwis," dagdag ng senadora.

Ayon sa pinuno ng Senado na si Senador Koko Pimentel, pinag-aaralan na kung paano lalagyan ng panuntunan ang paggamit ng social media ng hindi hinahadlangan ang karapatan sa malayang pananalita.

"Whatever law we enact, who are going to be liable? Who are they?
How are we going to find them? How are we going to catch them?" ani Pimentel.

"Pag-aralan natin. Maybe, since this is a product of technology, maybe the solution is using technology. Tingnan natin," dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.