Lopez, 'itinaboy' ang mga magmimina sa bansa

ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 12:43 AM

Hinamon ni dating DENR secretary Gina Lopez si Finance secretary Sonny Dominguez na patunayang nagdudulot ng kaginhawaan sa mga tao ang pagmimina.
 
Hinimay-himay pa ni Lopez ang naging laman ng talumpati ni Dominguez na sinasabing malaking tulong sa kaunlaran ang pagmimina.

“Prove it Sonny Domiguez that extracting industries can create wealth for our people,” ani Lopez.
 
Tahasan ding itinataboy ni Lopez ang mga hinihikayat ni Dominguez na mamuhunan at pumasok sa bansa para magmina.
 
“Go away. Don’t even think of coming here, we 10 million people don’t want you here,” ani Lopez.
 
Pinanindigan naman ni Dominguez na nasa panig siya ng batas at kung sa tingin ng ilan na hindi patas ang batas, dapat aniya gumawa sila ng hakbang para mapalitan ang batas dahil hindi ito maaaring labagin ng mga opisyal ng pamahalaan o mga mamamayan.
 
Pagputol ng libo-libong puno sa Palawan, isinumbong kay Lopez
 
Matapos mabasura ang appointment, ipinagbigay-alam kay Lopez ng alkalde ng Brooke’s Point sa Palawan ang pagputol ng mga minero sa libo-libong puno sa dalawang barangay sa kanilang bayan.
 
“Wala silang permit. Mga matatandang puno ito na pinutol nila, may watershed doon,” ani Mayor Jean Feliciano.
 
Ipagbibigay alam din ni Feliciano sa bagong-talagang pinuno ng DENR na si Secretary Roy Cimatu ang insidente.
 
Para naman kay Lopez, hindi man niya nakuha ang posisyon bilang DENR secretary, hindi siya mapapagod na ipagtanggol ang kapakanan ng kalikasan at ng mga mamamayan.

-- Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.