Lalaking gumamit ng tear gas sa sayawan, kinuyog

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at May 16 2017 10:16 AM

PUERTO PRINCESA CITY - Sugatan ang labi at duguan ang damit ng isang lalaki matapos dumugin ng mga kabarangay nito sa Bagong Silang, Martes ng madaling araw.

Pinagtulungan bugbugin si Roy Gomez matapos na mag-spray ng tear gas habang nagsasayawan ang mga residente ng barangay.

"Nagtaka kami bakit 'yung iba na mga tumatakbo, nagkanda-subsob tapos 'yung iba nakapikit 'yung mata. Sabi ng tinanong namin may nagpawala ng teargas,” ani ni Danny Garces, tanod ng barangay.

Hindi pa umano nakuntento si Gomez at nagbasag pa ng bote.

Base sa kuha ng CCTV footage ng barangay, alas-12:56 nang unti-unting nagsialisan ang mga taong sumasayaw.

Isang minuto pa ang nakalipas nang tumakbo ang lalaki at hinabol ng mga tao.

Ala-1:10 naman nang bumalik sa lugar ang suspek at dito na nagbasag ng bote at nakatikim ng suntok mula sa mga residente.

Maya-maya, binitbit na ito ng mga tanod ngunit patuloy pa rin ang pagkuyog dito.

"Pinabenta sa akin ('yung teargas) sabay tinakpan ng tape, tinry ko sa sayawan. 'Pag spray ko sa taas, ‘yun bumagsak 'yung hangin,” paliwanag ng suspek.

Nagbasag din umano ito ng bote bilang proteksyon sa mga taong kumukuyog sa kanyang kasamahan.

Dinala naman ang suspek sa Mendoza police station at planong kasuhan ng barangay ng alarm and scandal.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.