Erap, nakipagpulong sa mga Muslim leader at pulis

Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 01:56 AM

Nagkaroon ng konsultasyon si Manila Mayor Joseph Estrada kasama ang Muslim leaders at Manila Police District (MPD) noong Martes, kasunod ng mga nangyaring pagsabog sa Quiapo. 

Ayon kay Chief Supt. Joel Coronel, district director ng MPD, ang consultative meeting ay isang paraan kung paano magkakaroon ng “give and take” sa pagitan ng Muslim community at ng Philippine National Police.

Halimbawa na lang ay ang panawagan ng mga Muslim brothers na agad maipaalam sa kanila kung sakaling may nabaril o namatay na kapwa Muslim.

Importante raw ito lalo’t kailangan agad mailibing ang isang pumanaw na Muslim.

Sumang-ayon naman ang MPD sa ganitong mga hiling.

Hiling naman ng MPD na makuha ang buong kooperasyon ng mga Muslim leaders katulad sa imbestigasyon sa nangyaring Quiapo blast kung saan dalawa ang patay, at anim ang nasugatan.

May mga Muslim daw kasi na natatakot na magsalita sa mga pulis lalo’t napagkakamalan daw silang suspek kung sumama sa mga pulis. Pero mula noong nagkaroon sila ng ugnayan, unti-unti nang nagsalita ang mga testigong Muslim.

Dagdag ni Coronel, makatutulong din ang kanilang ugnayan sa darating na Ramadan. Tulad ng MPD security preparation at para malaman ang pangangailangan ng Muslim community kabilang na ang naunang hiling na maglagay ng Salaam Police o Muslim police sa kanilang lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.