4 huli sa magkakasunod na buy-bust operation sa Puerto Princesa

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at May 16 2017 11:55 AM | Updated as of May 16 2017 07:12 PM

ilan sa mga nakuhang ebidensiya laban sa mga suspek sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa Puerto Princesa

PUERTO PRINCESA CITY - Apat na suspek sa ilegal na droga ang natimbog sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa lungsod ng Puerto Princesa.

Martes ng madaling araw nang bumagsak sa buy-bust operation sa Purok San Francisco 1, Barangay Tiniguiban si Romeo Ferriol Jr., 42, at residente ng Barangay Mandaragat.

Isinagawa umano nito ang ilegal na transaksyon sa loob ng itim na Mitsubishi Adventure.

Giit ni Ferriol, ipinahatid lang umano sa kanya ang droga pero aminado itong gumamit siya ng shabu. 

Ilan sa nakumpiska sa kanya ang dalawang sachet ng shabu, tatlong rolyo ng aluminum foil, at P500 marked money.
 
Alas-11:30 naman ng gabi noong Lunes nang mahuli ng Mendoza police si Leonardo Cora, 34, sa Fernandez Street, Barangay Tanglaw.

Nakuha kay Cora ang isang maliit na heat-sealed plastic transparent sachet na naglalaman ng white crystalline substance na pinaghihinalaang shabu. 

Nakumpiska rin ang 5 piraso ng P100 kasama ang ginamit na marked money.

Lunes din ng gabi nang mahuli sina Daniel Omapas at Esrapa Ebno sa Barangay Kalipay. 

Magsasagawa sana ng buy-bust operation ang Mendoza police sa lugar nang biglang dumating ang dalawang suspek para bumili ng pinaghihinalaang shabu.

Nakatakas naman ang nagbebenta sa kanila na kinilalang si Marvin Tabang.

Nakumpiska sa mga suspel ang tatlong maliit na pakete ng shabu.

Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng paglabag sa Republic Act 9165 or ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.