2 baril, itinago sa padalang water heater

ABS-CBN News

Posted at May 16 2017 08:46 PM | Updated as of May 17 2017 06:01 AM

Nasamsam ng Bureau of Customs ang dalawang baril na itinago sa padalang electric water heaters nitong Mayo 10 sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA.

Nakita ang mga baril nang padaanin sa X-ray ng Customs ang mga padala. Nang buksan ang water heaters, nakita ang 9mm pistol at kalibre .45 na baril.

Mula Pilipinas, ipapadala sana ang isang pagkage sa isang "Christopher Yeung" sa Hong Kong, at ang isang pa sa Ho Chi Minh sa Vietnam para sa isang "Lau."
    
Nakapangalan sa isang Gilbert Miro ang package. Pero ang naaresto ay ang tauhan niyang si Alfonso Martin Sanchez na nag-follow up sa Customs kung bakit di pa nakakarating ang bagahe sa destinasyon. 

Nakapagpiyansa na si Sanchez matapos sampahan ng mga kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act of 2016, at sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Tuloy naman ang imbestigasyon sa may-ari ng mga kargamento na isang banyaga.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.