PatrolPH

77 milyong Pinoy target mabakunahan kontra COVID sa pagtatapos ng Duterte admin

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at May 15 2022 02:27 PM | Updated as of May 15 2022 06:39 PM

Bakunahan sa Mandaluyong City Hall noong Abril 19, 2022. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File
Bakunahan sa Mandaluyong City Hall noong Abril 19, 2022. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File

Target ng Department of Health (DOH) na mabakunahan ang 77 milyong inidbiduwal kontra COVID-19 sa katapusan ng Hunyo o ang pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ngayo'y 68.5 milyon pa lang ang fully vaccinated sa bansa, pero kumpiyansa ang ahensiya na maaabot nila ang target, sabi nitong Sabado ni Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

"Our target would be 77 million individuals by the end of June. Ito po ay 85 percent of our targeted eligible population which is 90 million," ani Vergeire.

"Konti na lang po ‘yung inaasahan natin. Sana, no, maabot natin by the end of June," dagdag niya.

Watch more News on iWantTFC

Ayon kay Vergeire, tinututukan ang mga lugar na may mababang vaccination rate, tulad ng Bangsamoro region, na may special vaccination days hanggang Mayo 20.

Tinutulungan ding mapalakas ang pagbabakuna sa mga rehiyon ng Soccsksargen, Central Visayas, Bicol Region, Mimaropa, at Quezon province sa Calabarzon.

Nauna nang sinabi ng National Vaccination Operations Center na "full blast" na sila sa pagbabakuna kontra COVID-19 ngayong natapos na ang halalan.

Bumagal kasi ang pagbabakuna noong panahon ng kampanya, paliwanag ni NVOC chief Myrna Cabotaje.

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.