PatrolPH

4 na centenarian sa Davao region, nakatanggap ng tig-P100,000

ABS-CBN News

Posted at May 15 2022 03:56 PM

Kasama sina Sofia San Juan ng Davao del Norte at Francisco Suarez ng Davao del Sur sa mga centenarian na nakatanggap kamakailan ng P100,000. Retrato mula sa Samal Island Information at LGU Magsaysay
Kasama sina Sofia San Juan ng Davao del Norte at Francisco Suarez ng Davao del Sur sa mga centenarian na nakatanggap kamakailan ng P100,000. Retrato mula sa Samal Island Information at LGU Magsaysay

Nakatanggap ng tig-P100,000 cash ang 4 na lolo at lola na umabot ng 100 taong gulang sa iba't ibang bahagi ng Davao region kamakailan.

Sa Island Garden City of Samal sa Davao del Norte, natanggap na ni Sofia San Juan, 102 taong gulang, ang P100,000 habang ang naiwang pamilya naman ng namayapang si Agripina Jala, 100 taong gulang, ang tumanggap sa cash gift matapos makumpleto nila ang requirements.

Binisita ng mga kawani ng Department of Social Welfare and Development-Davao Region (DSWD) ang bahay ng centenarian noong Biyernes at iniabot sa pamilya ang ayuda.

Sa Davao del Sur, nabigyan din ng P100,000 ang 100 taong gulang na si Encarnacion Certifico sa bayan ng Sulop noong Huwebes. 

Si Certifico ay may 5 anak, at 78 apo at apo sa tuhod. Binigyan din siya ng tig-P10,000 ng local government unit at ng provincial government.

Nakatanggap rin ang 101 anyos na si Francisco Suarez ng P100,000 cash sa bayan ng Magsaysay, Davao del Sur noong Miyerkoles.

Ayon kay Suarez, sikreto ng kaniyang mahabang buhay ang pagkain ng gulay at prutas, at pag-iwas sa bisyo gaya ng paninigarilyo at pag-inom ng alak.

Nagpaalala ang regional DSWD sa pamilya na gawing prayoridad ang pangangailangan ng mga centenarian sa natanggap na ayuda.

Ang pamamahagi ng P100,000 sa mga centenarian ay batay sa Republic Act No. 10868 or the Centenarian Act of 2016.

— Ulat ni Hernel Tocmo

MULA SA ARCHIVE

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.