PatrolPH

PDEA at PNP nagsanib-puwersa sa buy-bust sa Taguig, P13.6M halaga ng shabu nakuha

ABS-CBN News

Posted at May 15 2021 11:34 PM

PDEA at PNP nagsanib-puwersa sa buy-bust sa Taguig, P13.6M halaga ng shabu nakuha 1
Droga at iba pang bagay na gagamitin bilang ebidensiya laban sa mga suspek na naaresto sa isang buy-bust sa Taguig, ipinakita ng PNP at PDEA. Philippine Drug Enforcement Agency/Handout

MANILA - Arestado ang 2 katao sa isang buy-bust operation na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa Taguig, hapon ng Sabado.

Nasa kustodya ng mga awtoridad ang mga suspek na sina Melanie Capin, edad 35, at Jeffrey Sadiasa, edad 31.

Isinagawa ng PDEA-NCR, Southern Police District kasama ang ilang taga-Taguig police ang buy-bust operation sa open parking lot ng isang mall sa FTI Arca South, Taguig City.

Nakuha sa mga suspek ang 2 kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalagang P13.6 milyon. 

RELATED LINKS: 

Narekober din ang 16 na bundle ng "boodle money" na may kasama ang isang analog phone. 

Dinala na sa headquarters ng PDEA ang mga suspek habang sinusuri ang nakumpiskang mga pakete upang makumpirma kung shabu nga ang nilalaman nito. 

Ginanap ang pagsasanib-puwersa ng PDEA at PNP isang araw matapos muling magkasabay sa isang operasyon kontra droga ang ilang operatiba ng Quezon City Police District at PDEA sa isang mall sa Fairview, Quezon City noong Biyernes.

Magsasagawa sana ng buy-bust operation ang mga tauhan ng QCPD Station 4 Drug Enforcement Unit nang matuklasang naroon din pala ang mga operatiba ng PDEA Region 4A. 

Matatandaan ding may 2 pulis na nasawi nang magkaroon ng shootout sa pagitan ng mga miyembro ng PNP at PDEA malapit sa mall sa Commonwealth Ave., Quezon City noong Pebrero nitong taon. - Mula sa ulat ni Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.