Bangkay ng binatilyong nalunod sa Masbate, narekober na

ABS-CBN News

Posted at May 15 2021 03:39 PM | Updated as of May 15 2021 04:27 PM

Pinulikat umano ang binatilyo habang lumalangoy sa Buntod Reef sa Masbate kaya nalunod. Larawan mula kay Gil Rivera

Narekober ng awtoridad Biyernes ng umaga ang labi ng isang 17 anyos na binatilyo na nalunod sa Buntod reef sa Masbate City Huwebes ng tanghali.

Ayon kay Police Lt. Col. Steve Dela Rosa, hepe ng Masbate City Police Station, pinulikat ang biktima habang nilalangoy ang malalim na bahagi ng dagat. 

Malakas din ang current ng tubig sa bahaging iyon kaya umano tuluyang pumailalim ang binatilyo.

"Marunong naman lumangoy kaya lang pagka pinulikat ka kasi hindi ka na makalangoy, kaya tinangay na ng current pailalim. Sinubukan siyang iligtas ng mga kasama kaya lang hindi na siya nakita. Pumailalim na," sabi ni Dela Rosa.

Nakaligtas naman ang dalawang kaibigan ng binatilyo.

Naiuwi na ang labi ng biktima sa kanilang bahay sa Uson, Masbate.

- Ulat ni Karren Canon 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.