Seafarer na nakabalik sa Bacolod City, nagpositibo sa COVID-19

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at May 15 2020 12:25 PM

BACOLOD CITY - Kasalukuyang naka-quarantine sa isang tourist inn sa lungsod ang isang seafarer matapos na magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

May travel history sa Italy ang 28-anyos na lalaking "Patient No. 12" na kasama sa mahigit 50 seafarers na dumating sa Bredco Port noong Abril 28.

Ayon kay Dr. Grace Tan, tagapagsalita ng Bacolod City Inter-Agency Task Force, asymptomatic ang pasyente at nakatakdang ilipat sa hiwalay na quarantine facility sa lungsod.

Samantala, itinuring naman na probable case ang 38-anyos na babaeng police officer sa Sagay City, Negros Occidental.

Mula Maynila, bumiyahe ang 38-anyos na pulis para sa kanyang panibagong assignment sa Sagay City Police nitong Huwebes ng umaga, ayon kay Police Major Antonio Benitez Jr.

Kasama niya sa biyahe ang tatlo pang pulis na sumalang sa rapid testing kung saan naging reactive ang resulta ng kaniyang test.

Sinabi ni Dr. Cyrille Andraneda ng Sagay City Inter-Agency Task Force na hindi pa maituturing na COVID-19 patient ang pulis dahil kinakailangan pa siyang masailalim sa RT-PCR test.

Nasa quarantine facility na siya ng lungsod kasama ang tatlo pang mga pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.