'Saan sasakay?' Mga manggagawa naghahanda sa 'walkathon' sa pagbabalik-trabaho

Zen Hernandez, ABS-CBN News

Posted at May 15 2020 06:16 PM | Updated as of May 15 2020 09:19 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Naghahanda na ang mga manggagawang babalik sa trabaho pagsapit ng Mayo 16, kung kailan ipatutupad ang mas maluwag pero iba't ibang antas ng quarantine protocol sa buong bansa.

Sa Metro Manila, Cebu City, at Laguna, ipatutupad ang modified enhanced community quarantine (MECQ) kung saan maaaring bumalik sa operasyon ang ilang industriya pero sa limitadong bilang lang ng empleyado.

Pero agam-agam ng mga empleyadong nagko-commute lang, paano sila makararating sa trabaho gayong hindi naman pinabalik ng pamahalaan ang mga public transportation. 

Ang saleslady na si Lovely Lopera, sinabing "walkathon" ang mangyayari dahil wala naman siyang pribadong sasakyan.

"Walkathon 'yon, saan sasakay wala namang transport," ani Lopera.

Tatlong oras ang lakaran mula sa tirahan niya sa Caloocan hanggang sa pinagtatrabahuhang department store sa Quiapo kaya inihanda na rin niya ang kaniyang rubber shoes.
    
Bilang solo parent na may dalawang anak, desidido siyang makabalik agad sa pagkayod.

Nauna nang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi nila pinayagang bumalik ang mass transportation para maiwasan ang second wave ng COVID-19 outbreak, na posibleng magmula sa kumpulan ng mga tao sa isang sasakyan. 

"Ayaw po natin mapagaya doon sa ibang mga bansa na nagbukas ng ekonomiya at nagkaroon ng second wave. So kung hindi po kaya talaga ng kompanya na magbigay ng shuttle o kung walang sasakyan 'yung kanilang mga empleyado, eh, 'wag na po muna magbukas," ani Roque. 

Nauna nang sinabi ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na dagdag gastos ang transportasyon at pahirapan ang pagkuha ng checkpoint pass.

"Hindi nila nai-imagine 'yung cost atsaka 'yung challenge sa mga businessmen tsaka sa mga kompanya how to operate," ani ECOP president Sergio Ortiz Luis. 

Ayon naman sa Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), 2 buwan nang nawalan ng hanapbuhay ang mga manggagawa kaya parehong obligasyon ng employer at ng pamahalaan ang pagbibigay sa kanila ng transportasyon para masiguro ang kanilang kaligtasan.

"These workers have no income and no means of livelihood because they were on lockdown for more than two months. Therefore it must be the obligation of government and business owners to provide shuttle or transportation as workers help in rebuilding our economy," ayon sa labor group.

Tingin naman ng NAGKAISA labor coalition, kulang ang guidelines ng pamahalaan dahil una ay walang sinabing parusa sa mga lalabag at wala ring binanggit na suporta sa mga manggagawang tatamaan ng COVID-19.

Humihingi ng dayalogo sa Department of Labor and Employment ang mga labor group para maiparating ang mga hinaing ng manggagawa, na susi para makabangon muli ang ekonomiya at buhay sa bansa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.