Mga residente ng coastal towns todo-handa kay Ambo

ABS-CBN News

Posted at May 15 2020 06:28 PM | Updated as of May 15 2020 08:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sa pananalasa ng bagyong Ambo, alerto ngayon ang mga residenteng inaasahang tatamaan ng matinding ulan at hangin. 

Pero mas nasa peligro ngayon ang mga nakatira sa coastal towns o mga lugar na may katabing katubigan. 

Sa Pangasinan, nakatali na ang bubong ng bahay nila Cristy Vidal sa Dagupan City.

Nagbabalot na rin siya ng damit ng mga anak at inihahanda na niya ito sakaling ipatupad ang preemptive evacuation. Bagama't kalmado ang alon sa dagat, ayaw nilang pakasiguro lalo’t malimit ang storm surge kapag may bagyo.

Dahil sa bagyong Ambo, inabisuhan na ng Pangasinan Disaster Risk Reduction ang Management Office ang lahat ng mga lokal na tauhan para magkaroon ng maayos na evacuation center at ipatupad ang health and safety protocols. 

Karamihan kasi ng mga evacuation center ay pansamantalang ginagamit para gawing isolation facility dahil sa COVID-19.

NUEVA ECIJA

Sa Nueva Ecija naman, naghahanda na ang mga katutubo malapit sa Dupinga River sa Gabaldon dahil sa banta ng Ambo.

Tuwing may malakas na bagyo, isa sa mga apektado ng flash flood ang mga nakatira malapit sa naturang ilog dahil doon kasi bumabagsak ang tubig mula Sierra Madre. 

Kaya habang umaambon pa lang nitong Huwebes, nagbabaklas na ng mga kubo ang mga katutubong naninirahan sa itinuturing na cultural at tourist spot sa lugar. 

"Nasanay na din kami pero pag sinabing likas, lilikas kami," ani Bernardo Casamis, kinatawan ng indigenous people sa Barangay Malinaw.

Ayon naman sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Gabaldon, handa na ang mga evacuation center kung may kailangan ilikas. 

Nakaantabay na rin ang mga heavy equipment sakaling magka-landslide o rockslide. 

"Bawat barangay may evacuation center naka-ready na yan. Nakahiwalay din 'yung isolation facility," ani Elcielo Jintalan ng MDRRMO.

Sa huling ulat ng PAGASA ay namataan si Ambo sa Agdangan, Quezon nitong ala-1 ng hapon Biyernes. 


—Ulat nina Cris Zuñiga at Noriel Padiernos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.