Metro Manila LGUs nakahanda na sa posibleng hagupit ni Ambo

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at May 15 2020 03:55 PM | Updated as of May 15 2020 07:51 PM

MAYNILA (UPDATE) — Todo-paghahanda na ang ilang local government units sa Metro Manila, na nasa ilalim ng signal no. 2, sa inaasahang hagupit ng bagyong Ambo.

Ang Camanava area—na binubuo ng mga siyudad ng Caloocan, Malabon, Navotas, at Valenzuela—ay inihanda na ng mga alkalde para hindi masalisihan ng bagyo, lalo pa't may kinahaharap ring pandemic ang bansa.

Sa Navotas City, sinabi ni Mayor Toby Tiangco na naka-standby na ang 56 pumping stations nila sakali mang bumaha.

Pero aminado ang alkalde na posibleng may mga bara na sa ilang mga kanal. Hindi na kasi nakapaglinis ang kanilang mga tauhan simula nang pinairal ang enhanced community quarantine (ECQ) dahil tumulong aniya sa relief operation ang mga ito.

Nakahanda naman aniya ang mga paaralan na gagawing evacuation center pati na ang relief goods sakali mang may mga ilikas na residente.

Sa Malabon naman na kilalang bahaing lugar, nakahanda na rin ang mga amphibian truck, rescue boat, at ambulansya.

Ayon kay Malabon Public Information Officer Bong Padua, naka-standby na ang mga rescue team at nag-iikot na rin ang community emergency response team sa bawat barangay sa lungsod para bigyan ng abiso at babala ang mga residente sa bagyong Ambo.

Sa Valenzuela City, ayon kay Mayor Rex Gatchalian ay nakahanda na ang rescue team at health officers sa kanilang lungsod.

Binabantayan na rin aniya ang mga bahaing lugar sakali mang makaranas ng malalakas na pag-ulan sa lugar.

Tiniyak din ng alkalde na sobra ang relief goods nila kaya sasapat ito sa patuloy na pamamahagi ng ayuda dahil sa ECQ at sa mga maaapektuhan ng bagyo.

Sa Caloocan City naman, pinupulong ngayon ni Mayor Oca Malapitan ang mga department head ng LGU para mas paigtingin ang mga gagawing hakbang sa magiging epekto ng bagyo.

Tuloy-tuloy naman ang pagbibigay nila ng paalala at babala sa mga residente gamit ang kanilang social media account.

Sa huling ulat ng PAGASA ay namataam si Ambo sa Agdangan, Quezon nitong ala-1 ng hapon Biyernes.

MAYNILA

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Maynila naman, sinabi ng lokal na pamahalaan na kinailangan baguhin ng siyudad ang sistema nila ng pagpapalikas ng tao sa bagyo dahil sa patuloy pa rin ng pagkalat na COVID-19.

Ayon sa lokal na pamahalaan, mas kaunti ang maisasakay ng mga rescue vehicle at mas kaunti din ang maipapasok kada evacuation center ngayon dahil kailangang pairalin ang physical distancing.

Sabi ni Arnel Angeles, direktor ng Manila CDRRMO, kabisado na raw kasi ng mga residente ang itsura ng peligro.

"Palibhasa yan matagal nang nakatira dyan, alam nila kung kailan na talagang delikado. Kahit palikasin mo yan ngayon, di yan sasama," ani Angeles.

Marami na ring paaralan sa Maynila na ginagawang isolation ward para sa COVID-19 kaya kung may lilikas sa bagyo, sa covered court muna dadalhin.    

QUEZON CITY

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Quezon City naman, binabantayan ang Barangay Bagong Silangan dahil nasa tabi lang ito ng San Mateo River. Nitong Biyernes ay normal pa ang sitwasyon at wala pang evacuation na naganap.

Pero ayon sa barangay, nakahanda ang kanilang covered court na gagawing evacuation center.
    
Sa Roxas District na nasa tabi ng Lagarian creek, wala pa ring ginawang preemptive evacuation doon.

Ayon sa mga residente sa Gumamela street kung saan madalas lagpas tao ang baha, di naman sila nababahala sa banta ng baha dahil sanay na sila.
    
Dahil limitado ang espasyo sa mga evacuation centers, posible rin na dalhin sa ibang barangay o eskuwelahan ang mga apektadong residente.


May ulat nina Chiara Zambrano at Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.