Kapitan, 4 kagawad na 'hinati-hati' ang ibibigay na cash aid sa QC kinasuhan

ABS-CBN News

Posted at May 15 2020 01:49 PM

MAYNILA - Kinasuhan ng Criminal Investigation and Detection Group ang 5 barangay officials na sangkot sa paghahati-hati umano ng social amelioration subsidy ng kanilang mga residente sa Quezon City. 

Ayon kay Col. Robert Domingo, field officer ng CIDG QC, sinampahan ng paglabag sa Bayanihan to Heal As One Act, Anti Graft and Corrupt Practices Act, Grave Coercion, at Bribery sina Barangay Mariblo chairwoman Nenita Valdez at mga kagawad na sina Enrique Goco at Jerome Taeza, isang Jacklyn Bautista at isa pang indibidwal.

Batay sa imbestigasyon, nagreklamo ang ilang mga residente dahil hinati-hati umano ng grupo nila kapitana ang tulong pinansyal mula sa SAP na tinawag nilang "share to 4" scheme. 

Sumbong umano ng mga residente sa pulisya, na sa halip na P8,000 ang makukuha ng bawat residente, hinati-hati ito sa P2,000 para sa 4 na residente. 

Kapag aniya hindi pumayag ang residente, binabantaan umano na hindi bibigyan ng form.

Ang social amelioration fund ay ibinibigay sa mga residenteng pinakaapektado ng lockdown na ipinapatupad upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Sinubukan ng ABS-CBN News na hingan ng panig ang mga nabanggit na barangay offical ngunit wala pa silang tugon.

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.