Ilegal na POGO operation, isinara sa Las Piñas; 265 Chinese timbog

Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Posted at May 15 2020 06:41 PM

Timbog ang 265 na Chinese sa isang ilegal na operation ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa isang hotel sa Las Piñas City. Kuha ng NCRPO


MAYNILA - Isang ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) ang isinara ng mga awtoridad sa isang hotel sa Las Piñas City nitong Huwebes ng gabi.

Ayon sa mga awtoridad, sinilakay ng mga operatiba mula sa National Capital Region Police Office at Las Piñas City Police ang naturang hotel sa Alabang-Zapote Road sa Barangay Almanzo Uno matapos makakuha ng impormasyon na may ilegal na POGO operation sa lugar.

Nahuli ang 265 na Chinese na nagtatrabaho sa ilegal na POGO, na nabistong hindi rehistrado sa Bureau of Permit and Licensing Office ng lungsod.

Narekober ng pulisya ang mga 110 na laptop computers, 96 na desktop computers, 467 cellular phones at P6.5 milyong halaga na pera. Ilang foreign currency bills at gadgets din ang nasabat mula sa mga suspek.

Ang mga nahuli at nasamsam na ebidensya ay nasa kustodiya na ng NCRPO sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City para sa imbestigasiyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 11332 o ang "Law on Reporting of Communicable Diseases," at Executive Order No. 112 of 2020.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.