PatrolPH

Ilang TNVS drivers namasukan bilang delivery rider para mairaos ang lockdown

ABS-CBN News

Posted at May 15 2020 03:46 PM | Updated as of May 15 2020 09:40 PM

Watch more on iWantTFC

Ngayong wala munang pampublikong sasakyan gaya ng mga transport network vehicle services gawa ng lockdown, iba't ibang negosyo muna ang pinapasok ng ilang driver ngayong wala silang pagkakakitaan. 

Isa rito si Nolly Gelera, driver para sa isang tanyag na TNVS service. 

Ngayon, naghahatid-sundo siya ng mga padala para sa isang express delivery app gamit ang kaniyang sasakyan. 

"Alternative na income din po kasi eh. Wala pong... shutdown po kasi ang [pagmamaneho], kaya pinasok na rin po namin, para kahit papano may pangkain na rin po," ani Gelera. 

Aminado si Gelera na hindi maipapantay ang kita niya ngayon kumpara sa karaniwang araw na pasada na mga tao ang pasahero. 

Pero nakakabawi rin naman daw sila ngayong walang trapik. 

Bukod doon, dahil mga kagamitan lang ang dala niya, nabawasan din ang kaniyang pangamba na makapag-book ang isang customer na posibleng may coronavirus disease 2019 (COVID-19) 


"Tulad ngayon, mas maganda dahil yung walang hassle dahil puro gamit lang po ang inaano namin... ang dinadala saka hinahatid po. Katulad ngayon, kung nag-o-operate ang Grab, mahirap na, maghirap na rin po, kasi hindi naman natin masabi kung yung pasahero namin eh may ano, positive o negative," ani Gelera. 

Kapag lumipat na sa modified enhanced community quarantine ang Metro Manila simula Mayo 16, papasok sa pag-shuttle ng mga empleyado si Gelera. 

Sa MECQ, papayagan na ang pagbabalik-opisina ng 50 porsiyento ng mga empleyado sa iba't ibang industriya. Pero kinakailangan ng ilang kompanya na mag-provide ng transportasyon para sa kanilang mga empleyado dahil suspendido ang mass transport. 

Malaking bagay umano ito para kay Gelera para sa dagdag-kita. 

"Let's say naihatid ko po, pwede pa po akong bumiyahe habang nag-aantay po ako sa kanya, para sunduin naman. Di parang hindi nasasayang yung oras ko po sa pag-antay.

-- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.