PatrolPH

Higit 100 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Iloilo City

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at May 15 2020 01:03 PM

Higit 100 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Iloilo City 1
Malaking pinsala sa mga residente ang iniwan ng sunog sa Barangay Ortiz sa Iloilo City.

ILOILO CITY - Mahigit 70 mga bahay ang nilamon ng apoy sa residential area ng Barangay Ortiz dito sa siyudad, Biyernes ng madaling araw.

Sa huling tala ng Iloilo City Fire Station, 60 mga bahay ang tuluyang naabo habang 12 iba pa ang partially burned.

Pansamantala namang tumuloy sa evacuation center ang mahigit sa 100 pamilyang nasunugan.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection na pasado alas-2 ng madaling araw sumiklab ang apoy sa bahay na pag-aari ng isang Virginia Galong.


Halos dalawang buwan nang hindi nakauwi sa bahay ang may-ari na pinaniniwalaang naipit sa COVID-19 lockdown sa Guimaras.

Electrical short circuit ang pinagmulan ng apoy, base sa paunang imbestigasyon ng BFP.

Tumagal ng halos isang oras ang sunog bago nagdeklara ng fire under control ang mga bombero.

Karamihan sa mga bahay ay yari sa light materials, dahilan para mabilis na kumalat ang apoy.

Sa taya ng BFP, umaabot sa mahigit P1 milyon ang naiwang pinsala ng sunog.

Taong 1991 nang masunog din ang lugar na nag-iwan din ng malaking pinsala sa ari-arian.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.