'COVID-19 protocols sundin sa pagpapalikas ng mga residente dahil sa Ambo'

ABS-CBN News

Posted at May 15 2020 01:39 PM | Updated as of May 15 2020 03:19 PM

Hinimok ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang mga lokal na pamahalaan na sundin pa rin ang anti-coronavirus protocols (COVID-19) sa gitna ng pagpapalikas ng mga residente sa Ambo. 

Ayon kay NDRRMC spokesperson Mark Timbal, magiging hamon sa mga lokal na pamahalaan ang pagpapanatili ng quarantine protocols lalo kung magsisiksikan ang mga lumikas sa evacuation centers. 

Ayon sa kanila, dapat naka-face mask ang mga magsisilikas at dapat may suot na personal protective equipment ang mga kawani ng LGU na tutulong sa evacuation. 

Dapat ding layo-layo ang mga tulugan ng mga lumikas. 

Dagdag pa ni Timbal, ang mga multi-purpose hall, gym, covered court, at iba pang imprastraktura na hindi ginamit bilang COVID-19 quarantine facility ang ipagamit na evacuation center. 

Aabot na sa libo-libong residente ang inilikas sa iba't ibang probinsiya sa pananalasa ng bagyong Ambo, na 6 beses nang nag-landfall simula noong dumating ito sa Philippine Area of Responsibility. 

May ilang local officials na una nang umamin na kapos ang kanilang budget ngayong nakipaglaban ang kanilang lugar sa pangamba sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Naka-lockdown pa rin ngayon ang ilang lugar para mapigilan ang pagkalat ng sakit sa Pilipinas na may 11,876 positibong kaso na. 

Aabot na sa higit 140,000 ang inilikas sa iba't ibang parte ng bansa dahil sa bagyo. 

Masugid ding pinapasunod sa physical distancing protocols ang mga residente at tigil muna ang ilang negosyo para limitahan ang paggalaw ng mga residente. 

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News