PatrolPH

Bukod sa COVID-19: Publiko pinag-iingat sa mga sakit na nakukuha sa ulan

ABS-CBN News

Posted at May 15 2020 05:23 PM | Updated as of May 15 2020 09:42 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Kasabay ng COVID-19 pandemic, pinag-iingat din ng public health expert ang publikong apektado ngayon ng pananalasa ni bagyong Ambo, lalo't marami ring sakit ang nakukuha mula sa ulan.

Ayon sa isang public health expert, ilan dito ang dengue at leptospirosis.

"Umuulan na. Maaaring magkabaha, iniingatan din natin yung leptospirsis. Ito’y bacteria na galing sa ihi ng daga na nagko-cause din siya ng fever," ani Dr. Susan Mercado.

"Later on, dengue might become a problem. Ito 'yung pangkaraniwan na nakikita natin na possible infections na nakakalito kung ano ang diagnosis natin," dagdag niya.

Sabi ni Mercado, ang mga sakit na ito ay may kaparehong sintoas sa COVID-19 lalo na ang paglalagnat.

"Kung more than 37.5 degrees Celsius yan, mga 37.8 and above, 'yun po ay isang senyales na talagang meron kayong impeksyon na kailangan bantayan," ani Mercado.

"Kung kasama niyan ay paninikip ng dibidib, kelangan natin kumonsulta agad dahil maaari pong COVID-19 'yon," dagdag niya.

Kung makaramdam ng sintomas ng sakit, ipinayo ng eksperto na dapat munang magsuot ng face mask.

Dapat ding obserbahan ang temperatura at kondisyon ng katawan.

Kahit kasi nakatira sa maliit na espasyo, malaki pa rin ang maitutulong ng pagsuot ng face mask para mapigilan ang pagkalat ng virus na sumasama sa droplets o laway ng isang tao.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.