Suspek sa pagpaslang sa mag-iina sa Davao, patay

Cheche Diabordo, ABS-CBN News

Posted at May 15 2019 08:17 PM

Ang napatay na suspek ang itinuturong salarin sa pag-massacre sa isang pamilya sa Davao City. Larawan mula sa Public Information Office ng Davao City Police Office

DAVAO CITY—Patay ang isang kasapi ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) na itinuturong suspek sa pagpaslang sa isang babae at 3 nitong mga anak.

Napatay sa operasyon ng Marilog Police si Randy Balagisi, 29 anyos, sa Sitio Lapinig, Miyerkoles ng hapon.

Ayon sa pulisya, nanlaban sa operasyon si Balagisi na naka-uniporme pa na pang-sundalo.

Si Balagisi ang itinuturong suspek sa pagpatay kay Liza Ponce, 49, at mga anak nitong sina Christine, 29; Ana, 14; at 5 taong gulang na si Rey sa Sitio Guilon, Barangay Marilog Proper, Martes ng gabi.

"Paghihiganti ang ginawa ng suspek, dahil lumabas na ang kaniyang warrant of arrest sa kasong rape na inihain naman ng isang anak ni Liza noong September 2018," ayon kay Police Captain Ma. Teresita Gaspan, tagapagsalita ng Davao City Police Office.

Nagtamo ng mga saksak at tama ng bala ang mga biktima sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Narekober sa crime scene ang siyam na pirasong empty shell ng kalibre 5.56 mm at isang bolo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.