Dating pulis na dawit sa pagpatay arestado sa Olongapo

ABS-CBN News

Posted at May 15 2019 01:57 PM | Updated as of May 15 2019 08:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Naaresto ng mga awtoridad sa Olongapo City ang isang dating pulis na dawit sa kaso ng pagpatay, sabi ngayong Miyerkoles ng pulisya.

Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Maj. Gen. Guillermo Eleazar ang suspek bilang si Elias Gamboa, na dating nakatalaga sa Manila Police District pero na-dismiss matapos makasuhan ng murder.

Sa bisa ng arrest warrant, dinampot ng NCRPO Regional Intelligence Division si Gamboa sa Barangay West Bajac-bajac, Olongapo noong Lunes, araw ng halalan.

Si Gamboa ang sinasabing responsable sa pagpatay sa isang 60 anyos sa babae sa Maynila noong Oktubre 5, 2005, ayon sa pulisya.

Nakarelasyon umano ng suspek ang biktima pero matapos ang pagtatalo ay pinagsasaksak niya nang 19 beses ang biktima.

Nahaharap sa habambuhay na pagkakakulong ang suspek.

--Ulat nina Henry Atuelan at Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.