May anting-anting? Magsasaka huli sa pananaksak ng 7 sa Negros Occidental

ABS-CBN News

Posted at May 15 2019 10:02 AM

NEGROS OCCIDENTAL - Arestado ang isang lalaki matapos umanong pagtatagain ang 7 katao sa Negros Occidental noong Martes. 

Kinilala ang suspek na si William Magbato, isang magsasaka. 

Apat ang namatay, kabilang ang 3 kaanak ng suspek at isang kagawad na sinubukan umanong hulihin ang suspek. Sugatan naman ang 3 iba pang barangay official na tumulong sa kagawad. 

Ayon sa Ilog police, noong Martes nang umaga ay tinaga umano ni Magbato ang kaniyang asawa na si Melerna sa ulo, na ikinamatay ng biktima. 

Makalipas nito, pinuntahan niya umano at tinaga ang pamangkin na si Ryan Olitan, 18, hanggang sa namatay ito.

Matapos nito, nagtago umano ang suspek sa taniman ng tubo. Pero nang makita ang kamag-anak na si Marianita Magbato ay agad din niya umano itong pinatay sa taga. 

Nang marinig ang balita, agad pumunta sa lugar ang mga opisyal, kabilang ang kagawad na si Leonilo Balsomo, na sinubukang barilin ang suspek. 

Pero hindi ito nakapigil sa suspek, at sinaksak umano niya si Balsomo hanggang sa mamatay ito. 

Ayon daw sa mga testigo, "tumalbog" lang ang mga bala sa suspek. Ugong-ugong umano sa lugar na may suot na anting-anting ang suspek nang mangyari ang krimen. 

Ayon kay Police Sgt. Kim Bayona ng Ilog police, 3 araw walang tulog at kain ang suspek, na posibleng nag-udyok umano rito na gawin ang krimen. 

Ayon pa kay Bayona, hindi tinablan ang suspek nang tumama ang bala sa kaniyang dibdib at tiyan at tanging pasa at mga galos lang ang nakuha nito

Hinahanda na ng Ilog police ang kasong parricide, tatlong counts ng murder at frustrated murder laban sa suspek, na nagpapagamot ngayon sa ospital. 

-- Ulat ni Mark Gabriel Salanga, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.