Mano-manong bilangan ng mga piling balota umarangkada na

ABS-CBN News

Posted at May 15 2019 08:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nagsimula na ang random manual audit ng Commission on Elections (Comelec) at partners nito para masigurong may kredibilidad ang naganap na halalan.

Sa loob ng dalawang linggo, magiging abala ang mga guro sa isinasagawang random manual audit ng Comelec, katuwang ang Legal Network for Truthful Elections (LENTE) at ang Philippine Statistics Authority (PSA).

Isa kasi sa mga mandato ng Automated Election System Law ay ang pagbibilang sa boto tulad ng lumang paraan ng pagta-tally, at ikukumpara ang resulta nito sa election return na inilabas ng vote counting machines (VCM).

Pero 715 clustered precincts lang na dumaan sa random selection ang sasailalim sa manual audit.

Kapag sampung boto o mahigit pa ang discrepancy, ihihiwalay ang ballot box para magawan ng report ang clustered precinct.

"We will refer that to the technical evaluation committee and they will do—ang term ng batas—a root cause determination of what happened and then dun gagawa ng conclusion," sabi ni Comelec commissioner Luie Guia.

Bukas ang ginagawang random manual audit sa isang hotel sa Maynila para maobserbahan ng mga kinatawan ng mga kandidato at political parties, pati na ng media.

Sa pamamagitan ng auditing ay malalaman kung accurate ang mga VCM sa pagbibilang ng boto.

"Isa sa maa-address dito is 'yung issue ng iba 'yung lumabas sa resibo dun sa binoto nila... So dito mapapakita natin kung paano magbilang ang makina," ani Atty. Ona Caritos, LENTE executive director. 

Paglilinaw naman ng Comelec, hindi magagamit sa protesta ang manual audit.

"It cannot substitute for an election protest, kung gusto niyo, may question kayo, the only reliable basis to question will be to revisit all the ballots at the protest level," ani Guia.

Ayon sa Comelec, magbibigay sila ng report kapag natapos na ang random manual audit.—Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.