KILALANIN: Katutubo na nanalong alkalde sa Palawan

ABS-CBN News

Posted at May 15 2019 07:18 PM

Gumawa ng kasaysayan ang isang katutubo sa bayan ng Rizal, Palawan nang manalo ito bilang alkalde. 

Sa nais ng mga taga-bayan na payabungin ang mayamang agrikultura at kalikasan sa bayan ng Rizal, naluklok sa pagka-alkalde si Odi Otol, na isang katutubong Palauan. 

Batay sa resulta mula sa Commission on Elections (Comelec), nakakuha ng 8,575 na boto si Otol na isang independent candidate. Ang kaniyang kalaban na si Cesar Magsaysay na suportado ng administrasyon ay nakatanggap ng 4,814 na boto

Nanalo namang vice mayor si Norman Ong, na kasalukuyang alkalde ng Rizal.

Nang manalo si Otol, naluha ang kaniyang mga taga-suporta lalo’t tumakbo si Otol kahit walang pera o makinarya. 

Sa panayam sa ABS-CBN News, ikinuwento ni Otol na tumakbo siya sa hiling ng kaniyang kapwa-katutubo. 

"Hindi po ako natakot. Tumakbo po ako wala akong pera pero ang tao na talaga ang nagdesisyon na bumoto sa akin para manindigan sa aming bayan," ani Otol. 

Ayon kay Otol, prayoridad niya ang kabuhayan, edukasyon, kalusugan, at pantay na pagtingin sa mga kapwa-katutubo sa kaniyang pagka-alkalde. 

Hiling ng kaniyang kapwa-katutubo na si Kaka Prehinald na hindi mabahiran ng katiwalian ang kanilang bagong alkalde. Hangad niyang mapagaan ang buhay ng mga gaya niyang nasa "laylayan ng lipunan."

"Malaki ang tiwala namin sa kaniya na tutulungan kami sa mga problema namin tulad dito sa agrikultura,” pahayag niya. 

--Ulat ni Rex Ruta, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.