Halos 1.2 milyong boto sa pagkasenador nasayang dahil sa 'overvote'

ABS-CBN News

Posted at May 15 2019 08:22 PM | Updated as of May 16 2019 10:59 AM

Halos 1.2 milyong boto sa senatorial race ang nasayang dahil sa tinatawag na overvote, ayon sa datos ng ABS-CBN data analytics team. 

Maituturing na overvote ang nagawa ng botante sa senatorial race kung 13 o higit pa ang kaniyang ibinoto sa balota. Hindi naman nito maaapektuhan ang mga boto sa iba pang posisyon. 

Sa 95 porsiyentong partial at unofficial results na na-transmit sa Comelec transparency server, aabot sa 1,170,000 overvotes ang naitala sa halos 46 miltong boto para sa senatorial race. 

Mas malaki ito kumpara sa halos 800,000 over-votes noong 2016 senatorial elections. 

Ayon kay Edson Joseph Guido, head ng ABS-CBN Data Analytics, malaking bagay ang mga overvote lalo’t mahigpit ang labanan sa magic 12 ngayong halalan.

“Napakalaking bagay 'yung isang milyong boto na mapawalang bisa,” ani Guido. 

Sa ngayon, tinatayang nasa 100,000 hanggang 300,000 ang agwat ng mga boto mula sa rank 10 hanggang 14.

Dahil dito, ayon kay Guido, mahalagang mabantayan ng botante ang bilang ng kanilang pinipili sa balota.

--Ulat ni Warren De Guzman, ABS-CBN News. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

For updates on Halalan 2019 click here