#HalalanResults: Mga nanalong kandidato sa Parañaque, naiproklama na

Bettina Magsaysay, ABS-CBN News

Posted at May 15 2019 02:03 AM

MANILA - Patuloy na manunungkulan bilang alkalde ng Parañaque City si Edwin Olivarez matapos siyang maiproklama ng city board of canvassers pasado alas-11 ng gabi nitong Martes.

Tinalo niya sa posisyon ang dating alkalde rin ng siyudad na si Florencio Bernabe Jr. Nakakuha si Olivarez ng 169,224 na boto habang nakatanggap ng 52,824 na boto si Bernabe.

Panalo rin ang running mate ni Olivarez na si incumbent vice mayor Rico Golez na nakakuha naman ng 141,433 na boto.

Si Jeremy Marquez ang katungali ni Golez sa posisyon ng bise alkalde.

Wagi naman bilang Parañaque City 2nd District Rep. si Joy Tambunting na may 103,028 na boto.

Natagalan na maiproklama sina Olivarez at Golez dahil hinintay nila ang hashcode mula sa Commission on Elections (Comelec) para payagan silang babaan ang threshold.

Paliwanag ng city board of canvassers, marami ring lugar ang nagre-request na mapababa ang threshold kaya’t ilang oras ang kinailangang ihintay para ideklara ang mga nanalo.

Click here for ABS-CBN's election results: https://halalanresults.abs-cbn.com/

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.