Biko pinagbawal sa Pasig sa gitna ng kampanya ni Vico, ani Vic Sotto

ABS-CBN News

Posted at May 15 2019 05:16 PM | Updated as of May 15 2019 08:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA — Ikinatuwa ng komedyante at TV host na si Vic Sotto na makapagbebenta na ulit ng biko sa Pasig matapos manalo bilang alkalde ng lungsod ang anak na si Vico.

Sa panayam ng ABS-CBN News kay Vic, ikinuwento nito na ipinagbawal daw sa palengke sa Pasig noong panahon ng kampanya ang pagbenta ng kakaning biko, na katunog ng "Vico."

"Alam mo pinagbawal ang pagbenta ng biko? Ganoon ka-petty. Akala ko joke lang eh, hindi, totoo pala," sabi ni Vic.

"Sabi ko nga eh, 'Pag-upo ni Vico, makakain na ulit ng biko, puwede na ulit magbenta ng biko sa Pasig,'" dagdag ni Vic.

Ayon kay Pasig City Public Information Officer Catherine Ciubal, walang opisyal na pagbabawal mula sa pamunuan ng lungsod sa pagbenta ng biko sa palengke bago maghalalan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi raw inalis ang karapatan ng mga taga-Pasig na bumili, magbenta o kumain ng biko.

Sa kaniyang pagkapanalo, winakasan ni Vico ang halos 3 dekadang pamumuno ng pamilya Eusebio sa Pasig.

Kasama ni Vico Sotto ang inang si Coney Reyes matapos siyang maiproklama bilang alkalde ng Pasig City noong Martes. George Calvelo, ABS-CBN News

Nang tanungin kung bakit sa tingin niya nanalo ang anak, sinabi ni Vic: "Palagay ko sang-ayon sila doon sa campaign ni Vico na, una sa lahat, 'iba naman,' at pangalawa, 'yung pagbabago.'"

"Ang tiningnan ng tao, 'yung integridad niya. 'Pag nagsalita siya kasi, ramdam mo na nanggagaling sa puso niya, hindi 'yung generic, motherhood statements," dagdag ni Vic.

Iginiit din ni Vic na hindi siya papapel sa administrasyon ng anak.

"Kumbaga sa pelikula, ako'y supporting actor lang. Ang leading man dito, ang bida rito, si Vico. Nandito lang ako to support him," ani Vic.

Hindi rin daw mamadaliin ni Vic ang pagpili ni Vico ng kaniyang first lady.

--Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.