2 menor de edad tiklo sa buy-bust sa Zamboanga City

ABS-CBN News

Posted at May 15 2019 04:17 PM


Arestado ang dalawang menor de edad sa isang buy-bust operation sa Barangay Maasin, Zamboanga City Martes ng gabi.

Ayon sa Zamboanga Police Station 4, hinuli ang mga suspek na 16 anyos at ang kasamahan nitong tinatayang nasa 8 hanggang 10 anyos matapos mabilhan ng droga na nagkakahalaga ng P1,000. 

Ayon kay Police Maj. Hazel Fernandez, hepe ng Zamboanga City Police Station 4, nakumpiska rin sa dalawa ang higit 50 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng halos P400,000.

Pinabulaanan naman ng 16-taong gulang na suspek na nagbebenta siya ng droga. 

Giit niya, pinasama lang umano siya ng 8 anyos sa Barangay Maasin pero hindi niya raw alam na may dalang ilegal na droga ang bata. 

Ngunit ayon kay Fernandez, ang 16 anyos mismo ang nakipag-transaksiyon sa kanilang asset at siyang nagbebenta ng droga batay sa kanilang monitoring. 

Inilagay na sa kustodiya ng City Social Welfare and Development (CSWD) office ang 8 anyos. 

Sinisiguro pa ng pulis kung 16 anyos nga ang isa pang nahuling suspek bago ibigay sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development.

-- Ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.