2 lalaki na umano'y nanunog ng vote counting machine sa Isabela, timbog

Darlene Gemino Ballad, ABS-CBN News

Posted at May 15 2019 12:10 PM

JONES, Isabela - Dalawang lalaking nanunog umano ng mga vote counting machines sa ilang barangay ang inaresto ng mga pulis dito sa bayan, Martes.

Residente ng Barangay Sta. Isabel ang 2 lalaki na nanunog ng 2 VCM at iba pang bagay na gagamitin sana sa eleksyon sa Barangay Dicamay Uno at Dicamay Dos, sabi ni Police Captain Fermando Mallillin, hepe ng Jones Police.

Nakilala ang mga suspek nang ituro ng isang testigo, ani Mallillin.

Kusang sumuko ang mga suspek ngunit itinanggi ng mga ito ang alegasyon na sinunog nila ang mga VCM, ani Mallillin.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang pagkatao ng mga suspek.

Inihahanda na ang mga reklamong isasampa laban sa 2 suspek na tumanggi ng humarap sa media.

Samantala, muling nag-convene ang mga opisyal ng halalan sa Barangay Dicamay Dos, Miyerkules, upang i-transmit ang resulta ng boto sa naturang barangay.

Base sa partial unofficial result ng mga boto, lamang si Mayor Leticia Sebastian na nakakuha ng 12,569 boto habang 9,050 na boto naman ang nakuha ng kaniyang katunggali na si Lanie Uy.

Sa pagka bise mayor naman, nanguna si Councilor Gaylord Gumpal na nakakuha ng boto na 11,167, habang Ang kaniyang katunggali na si Victor Dy, kapatid ni Governor Bojie Dy ay may botong 9,388.

Tanging Barangay Dicamay Uno na lang ang hindi pa nakapag-transmit ng boto mula dito sa bayan dahil nasunog din ang SD card nito.

Mayroong 762 na rehistradong botante ang Barangay Dicamay Uno.

Hindi pa nagproproklama ang electoral board ng failure of election dahil hinihintay pa ang pasya ng Commission on Elections central office, ayon kay election officer Darius Pardinez.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

For updates on Halalan 2019 click here