Mga gurong nagtangkang maglabas ng ballot box, hinarang sa Santiago City

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at May 15 2018 01:02 AM

SANTIAGO CITY, Isabela - Nagkaroon ng gulo sa Mabini Elementary School sa Santiago City Lunes ng gabi nang tangkaing ilabas umano ng electoral board ang isang ballot box.

Hinarang ng mga poll watcher ang mga gurong may dalang ballot box dahil sabay-sabay umano dapat ilabas ang mga ballot box.

Ayon naman sa mga guro, na-canvass na mga ito at dadalhin na nila sa opisina ng Commission on Elections (Comelec).

Hindi sila pinakinggan ng mga poll watcher at hindi hinayaang lumabas ng eskwelahan.

Ayon Atty. Jenny May Vallejo, election officer, maaari na umanong nilang dalhin ang ballot box kahit iisa lamang dahil na-canvass naman na ito. 

Dagdag pa niya, nakatakda rin umanong lumuwas ng Maynila ang gurong may hawak ng ballot box kaya balak na nitong maunang magbibigay ng balota sa Comelec.

Ngunit walang nagawa ang mga guro kundi bumalik sa presinto at hintaying matapos ang pagbibilang ng boto sa iba pang presinto.

Isa ang Barangay Mabini sa pinakamaraming botante sa lungsod. Kilala rin ang barangay dahil ilan sa mga kandidato rito ay nakakulong dahil umano sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.