Kandidato sa punong barangay, inatake sa puso matapos bumoto

ABS-CBN News

Posted at May 15 2018 03:12 AM

LA UNION - Nasawi ang isang kandidato sa punong barangay sa Apatut sa bayan ng Balaoan, La Union matapos atakehin sa puso Lunes ng umaga.

Hindi na umabot ng buhay nang isugod sa ospital si Cristino Puzon, 66-anyos, matapos matagpuang nakahimlay sa kalsada.

Bago nangyari ang insidente, bumoto pa si Puzon alas-10 ng umaga.

Humalili naman ang asawa nitong si Marilou sa kaniyang posisyon.

"Noong sinabi ng mga pulis ang nangyari, pumunta kami sa polling center. We informed the electoral board, so we asked the spouse to apply for substitute," ani Maria Luisa Angeles Carolino, election officer III ng Comelec.

Ngunit bigo si Marilou na masungkit ang pagkapunong barangay.

Kaya malaki ang panghinayang ng mga taga-suporta ni Puzon.

"Kasi alam po namin siya lang 'yung makakaayos sa barangay namin," pahayag ng isang botante. - ulat ni Teomar Bautista, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.