Duterte, di natuloy sa PH Rise; 'Baste', Bong Go, nag-jetski sa Casiguran Bay

ABS-CBN News

Posted at May 15 2018 11:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi natuloy ang unang napabalitang pag-jet ski ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine Rise.

Magmamarka pa naman sana sa kasaysayan ang unang pagbisita ni Duterte sa Philippine Rise nitong Martes para igiit ang karapatan ng Pilipinas sa napakayamang extended continental shelf ng bansa. 

Base sa planong inilatag ng MalacaƱang sa media, alas-dos ng hapon, lalapag ang helicopter ng pangulo sa BRP Davao Del Sur ng Philippine Navy na maglalayag naman patungo sa bungad ng Philippine Rise kung saan magje-jet ski raw ang pangulo.

Sakto ang pagbisita ng pangulo sa isang taong komemorasyon ng pagpalit ng pangalan ng Benham Rise bilang Philippine Rise.

Halos alas-4 na ng hapon nang dumating si Duterte.

Hindi na nakaalis ng Casiguran Bay ang barko.

Doon na rin ginawa ang programa para sa send-off ng tinatayang 50 Filipino marine scientists na magsasagawa ng research expedition sa Philippine Rise.

"The Philippine Rise is ours. I did not make any distinction between sovereign rights or a sovereign property. Sinabi ko lang basta sa amin 'yan. E ngayon dito, agawan ng teritoryo, kapag mahina ka, e maiiwanan ka talaga," ani Duterte sa idinaos na programa sa barko.

Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, imposibleng mapuntahan ang Philippine Rise dahil napakalayo at nasa ilalim iyon ng dagat.

"Hindi mo siya [Philippine Rise] mabibisita unless magda-dive ka," ani Roque. "It's to emphasize na ang karapatan natin diyan ay hindi nga lang mangalap ng tanging yaman kundi para rin lahat ng puwedeng gawin sa ating karagatan kasama na 'yong enjoyment ng ating karagatan."

Nag-jetski naman sa kalapit na anyong tubig ng Casiguran Bay ang anak ni Duterte na si Sebastian "Baste" Duterte at si Special Assistant to the President Bong Go.

May bandila pa ng Pilipinas ang pinaandar na jet ski ng dalawa.

"'Yong karagatan naman na 'yan, dikit-dikit na 'yan, kayo naman. Di ba sabi nga nila marine boundaries... there are no boundaries, they are all interconnected," ani Roque.

Noong panahon ng kampanya, sinabi ni Duterte na hindi siya magdedeklara ng giyera kontra Tsina kung hindi tatalima ang Tsina sa arbitration court ruling at patuloy na ookupahin ang pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Gayunman, sinabi rin noon ni Duterte na hihilingin niya sa Philippine Navy na dalhin siya sa boundary ng Spratlys para makapag-jet ski siya habang may dalang bandila ng Pilipinas.

"I will not commit the Filipino soldiers [to war] kaya ako na lang pupunta doon," sabi dati ni Duterte.

Ititindig din daw ni Duterte ang watawat ng Pilipinas sa airport na itinayo ng China sa ni-reclaim nilang bahagi ng Spratlys.

"Matagal ko nang ambisyon na maging hero ako. Kung pinatay nila ako do'n, bahala na kayo umiyak dito sa Pilipinas," ani Duterte noong kampanya.

-- Ulat nina Pia Gutierrez at Dharel Placido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.