SAPUL SA CCTV: Tirador ng cellphone sa ospital, muling umatake

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at May 15 2017 11:28 AM

IISANG MODUS, IISANG OSPITAL

MAYNILA - Muli na namang umatake ang isang hindi pa nakikilalang kawatan sa ospital sa Los Baños, Laguna.

Sa CCTV footage, makikitang dumeretso sa ikatlong palapag ang salarin at isa-isang sinilip ang mga kuwarto.

Maya-maya ay pumasok na ito sa kuwarto kung saan nagpapahinga ang isang alyas "JL" na naghatid lang sa kanyang anak sa ospital.

"From time to time tsine-check ko ang cellphone ko dahil nga iinom ng gamot ang anak ko," sabi ni JL.

"Mga 3:00 a.m., andoon pa, 4:00 a.m., andoon pa, 5:00 a.m., andoon pa. Pero nu'ng 6:20 a.m. na, paggising ko wala na," aniya.

Ito ang mismong oras ng paglabas ng salarin mula sa kuwarto nina JL, batay sa CCTV footage.

Napag-alaman ng mga awtoridad na isang linggo lang bago ang insidente ay nagnakaw na ang lalaki sa parehong ospital.

Iisa rin ang modus ng kawatan. Sa CCTV footage, makikita siyang pumasok sa isang kuwarto na may dalang itim na bag.

Paglabas ng salarin, kulay beige na bag na ang kanyang dala. Ito na pala ang bag ng isa sa mga nagbabantay rin ng pasyente.

'HOSPITAL HOPPING' SA LUZON?

Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, napag-alamang ang lalaki rin pala ang salaring umatake sa isang ospital sa Iba, Zmbales nitong 2016.

Isang senior citizen naman na nagbabantay ng mister sa ospital ang nanakawan ng cellphone ng salarin.

Dahil sa nangyari, kinailangang umuwi ng matanda para abisuhan ang kanyang mga anak ukol sa kondisyon ng asawa.

Ang hindi niya alam na iyon na pala ang huling pagkakataong makikita niyang buhay ang kabiyak.

"Kung hindi ninakaw ang cellphone ko, andoon sana ako noong request niyang huwag ko siyang iwanan at baka hindi na siya abutin ng umaga. Pero ganoon ang nangyari," daing ni Linda Lamongo.

Bukod dito, kumalat din kamakailan ang retrato ng lalaki sa Facebook matapos umano itong magnakaw sa ospital sa Batangas.

Dahil dito, nakaalerto na ang pulisya at inalarma na rin ang mga ospital.

Payo pa ng mga awtoridad sa publiko, tiyaking nakakakandado ang mga kuwarto sa ospital, lalo kapag matutulog.

Sa ngayon, malaya pa at wala pa ring pagkakakilanlan ang salari. Sakaling may impormasyon, makipag-ugnayan lamang sa pinakamalapit na estasyon ng pulis.