PNP, wala pang naitatalang WannaCry ransomware

ABS-CBN News

Posted at May 15 2017 01:33 PM

Isang lalaki ang nagta-type sa keyboard habang naka-display ang ilang cyber code sa kaniyang monitor. Kacper Pempel, Reuters file illustration

MANILA - Inanunsyo ng Philippine National Police (PNP) Lunes na wala pa itong namonitor na kaso ng "WannaCry" ransomware na pumaralisa kamakailan sa mahigit 200,000 computers sa 150 bansa. 

"Iyung WannaCry, wala pa naman pong reported. Wala pa namang nagsasabi sa amin na nabiktima ng WannaCry ransomware," ani Superintendent Jay Guillermo, hepe ng PNP Anti-Cyber Crime Group, sa panayam ng DZMM. 

Paliwanag ni Guillermo, ang WannaCry ay isang online malware na nakakapagnakaw at encrypt ng files ng isang computer. 

Upang mabawi ang naturang files, kailangan ng isang biktima na gumamit ng "bitcoin" currency para bilhin ang decryption code mula sa sindikatong nagpadala ng malware. 


Nitong weekend, daan-daang car factories, ospital, paaralan at mga tindahan ang nagsara ng operasyon sa 150 bansa matapos maapektuhan ng WannaCry ang kanilang mga computer. 

Ayon sa Reuters, tinatayang kumita na ng $36,500 o P1.8 milyon halaga ng bitcoin ang hackers sa likod ng cyber attack, Linggo ng madaling-araw. 

Inaasahang tataas pa ang naturang halaga habang nagkukumahog ang marami pang biktima na magbayad para ma-decrypt ang kanilang mga computer. 
 
Lubhang mahirap naman para sa mga awtoridad na ma-trace ang pinagdadalhan sa mga bitcoin, ani Guillermo. 

"Mahirap mai-trace iyan kasi iyung sa bitcoin, may mga security codes po silang gingagmait d'yan. Medyo nahihirapan ang security agencies sa investigation ng bitcoin kasi hindi natin alam kung saan nanggagaling," sabi ng opisyal. 

Pinayuhan ni Guillermo ang publiko na huwag basta-basta mag-download o magbukas ng files sa mga kaduda-dudang website dahil maaaring may laman na malware ang mga ito.