Lalaking nanghipo umano ng dalagita sa jeep, arestado

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at May 15 2017 09:51 AM

MANILA - Kulungan ang kinahinatnan ng isang lalaki matapos umanong hipuan ang isang menor de edad sa loob ng pampasaherong jeepney sa Tondo, Maynila.

Bababa na sana sa Velasquez Street ang 17-anyos na si alyas "Lea," kasama ang ina at 3 pinsan nang umakyat sa jeep ang umano'y lasing na suspek, pasado alas-9:30 ng gabi.

Bigla umanong hinipuan ng lalaki sa dibdib at binti ang teenager.

Nagsumbong ang dalagita sa kanyang ina kaya't kinompronta nito ang lalaki.
 
Dahil sa kaguluhan, dumulog ang driver ng jeep sa mga opisyal ng barangay, na siyang umaresto sa lalaki.

Nakilala ang suspek na si Danny Lagro, residente ng Silang, Cavite.

Itinanggi ni Lagro na hinipuan niya ang dalagita.

"Iyung lalaki sabi binastos ko raw ang bata. Hindi po, hindi po talaga," depensa ng suspek.

Gayunman, inamin ni Lagro na nakainom siya, kasabay ng paghingi ng pasensya sakaling nasagi nga niya ang biktima.

Aniya,"Siguro po kung nakainom ako, pasensya na kung nasagi ko man siguro ang maselan na bahagi."

Nakakulong ngayon ang suspek sa Manila Police Distrcit Station 1. Nahaharap siya sa reklamong acts of lasciviousness.

Hindi naman makausap ang batang biktima dahil sa trauma.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.