Lalaki, arestado matapos barilin ang kapatid

ABS-CBN News

Posted at May 15 2017 04:56 PM

Antonio Bersamina Jr.

SAN ILDEFONSO, Ilocos Sur—Arestado ang isang lalaking umamin sa pamamaril sa kaniyang kapatid sa bakuran ng kanilang bahay sa Barangay Bahet nitong Lunes.

Nahuli sa crime scene ang 50-taong gulang na si Antonio Bersamina Jr. matapos nitong barilin ang kaniyang kapatid na si Alex.

Depensa ng suspek, muntik na umanong hampasin ni Alex ang kaniyang anak kaya inunahan na niya ito at binaril. Linggo pa lang raw ng gabi ay iniisip na niya ang pamamaril dahil umiiyak umano ang kaniyang anak.

“Baka kung nakainum ang mga kapatid ko, pinagtritripan nila ako. Pinagpapasensiyahan ko lang kasi iniisip ko ang mga anak ko pero dumating na sa punto na di na ako nakapag-isip… kagabi pa lang desidido na akong gawin iyon kasi umiiyak yung anak ko,” aniya.

Ayon sa pulisya, binaril diumano ni Alex ang aso ng anak ng suspek na nakadagdag sa hindi pagkakaunawaan.

Nagtamo ang biktimang si Alex ng tama sa likuran at kaliwang siko. Dinala siya sa isang pribadong ospital para magamot.

Isinuko naman ng suspek ang isang caliber 22 na baril at mga bala ngunit napag alaman na hindi ito ang ginamit na armas sa pamamaril.

Sa pag-iimbestiga ng mga awtoridad, lumalabas na pinatago ng suspek sa isang kapitbahay ang ginamit niyang armas.

Agad namang binigay din ng kapitbahay sa kapitan ng barangay, na kapatid rin ng suspek at biktima, ang baril.

Paliwanag ng kapitan na si Carmencita Tumbaga, dati na umanong may hindi pagkakaintindihan ang magkapatid.

“Kapatid ko silang dalawa. Masama ang loob ko kasi hindi sila nakapag-isip. Hindi nila naisip na magkapatid sila… masama pa ang loob ko (kay Antonio) kasi kaya niya pala sanang patayin ang kapatid niya..." ani Tumbaga. 

Hindi pa nakakapag-usap ang biktima at suspek sa ngayon, Hihintayin naman raw ng pamilya ang magiging desisyon ni Alex.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.