Kadamay umaangal: Kulang ang pangako

ABS-CBN News

Posted at May 15 2017 06:00 PM | Updated as of May 15 2017 10:01 PM

Nangalampag sa tanggapan ng National Housing Authority (NHA) ang halos 1,000 miyembro ng Kadamay sa Balagtas, Bulacan. Umaalma sila sa hindi umano pagsunod ng NHA sa kasunduang ibigay na sa Kadamay ang mga pabahay na ipinangako sa kanilang grupo.

Ayon sa chairperson ng Kadamay-Bocaue, hindi umano miyembro ng Kadamay ang ilang nabigyan ng pabahay. Dagdag pa nila, nasa 5,000 pa lang sa 12,000 miyembro nila ang nabigyan ng pabahay.

Tuloy, may ilang pabahay na hanggang tatlo o higit pang pamilya ang nagsisiksikan.

Ayon naman sa NHA, nasa 6,000 miyembro lang ng Kadamay at hindi 12,000 ang napag-usapang bibigyan ng prayoridad sa mga pabahay. Kailangan pa rin nilang pumasa sa validation bago mabigyan ng pabahay.

Sa pabahay naman para sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police, kailangan ding konsultahin muna ang mga orihinal na benepisyaryo para malaman kung ilan ang puwedeng ipamahagi na lang sa iba. Mananatiling June 15, o isang buwan mula ngayon, ang deadline ng NHA sa AFP at PNP personnel para sabihin kung interesado pa sila sa mga pabahay na ito. Ito rin daw ang palugit na hiningi ng AFP-PNP housing board para maimbentaryo ang mga unit.


Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.