Sinalakay ng National Bureau of Investigation ang isang bar at bilyaran sa Maynila matapos matuklasan na patago silang nagpapatakbo ng ilegal na pustahan sa karera ng kabayo.
Inaresto ng NBI Anti-Organized Transnational Crimes Division ang mga ilegal umanong bookie nang mahuli sa entrapment operation sa isang KTV bar sa Sta. Cruz, Maynila.
Wala umanong permit ang naturang sugal.
Umamin ang manager ng KTV na si Nazareth Zulueta na alam niya ang ginagawang pustahan pero nilinaw niya na wala siyang kinalaman sa proseso ng sugal. Paliwanag pa niya, mas marami umanong customer kapag may sugal sa KTV bar.
Ayon sa Games and Amusements Board, liliit ang kikitain ng mga may-ari ng kabayo, at ang mapupuntang buwis sa gobyerno kung patuloy ang mga ilegal na pasugalan.
Ayon pa sa NBI, maaaring makulong ng mula 30-90 araw ang mga tumataya sa ilegal na bookie.
Bukod sa manager, kakasuhan din ang mga naging tagakolekta ng pusta at runner sa KTV ng illegal gambling kung saan maaari silang makulong ng mula 6-12 taon.
-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, TV Patrol, tagalog news, Niko Baua, balita, NBI, pustahan, betting, ilegal na pustahan, karera ng kabayo,update feed