5 traffic enforcer, sinibak matapos mag-positibo sa ilegal na droga

Jerome Lantin, ABS-CBN News

Posted at May 15 2017 04:08 PM

Inanunsyo ni Manila Mayor Joseph Estrada ang resulta ng surprise drug test noong Abril 24. Photo by Jerome Lantin

MANILA- Limang miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau ang sinibak sa pwesto ni Mayor Joseph Estrada nitong Lunes matapos mag-positibo sa paggamit ng droga. 

Kabilang ang 5 sa 240 traffic enforcers na sumailalim sa surprise drug test noong Abril 24.

Kinilala ang mga enforcer na sina Rommel Santos, Randy Luangco, Marcelo Tinao, John Lennon Dalisay, at Enrico Dalisay. 

Dumaan sila sa confirmatory tests ng ACC Drug Testing Center na accredited ng Department of Health.

Agad sinibak sa pwesto ang mga enforcer pero hindi na sila sasampahan ng kaso. 

Pawang mga job order lamang ang 5 at wala silang matatanggap na kahit ano mula sa pamahalaang lungsod.

Samantala, binigyan naman ng certificate ang mga pumasa sa drug test bilang patunay na sila'y "100 percent clean."

Mas maghihigpit naman ang MTPB sa mga bagong aplikante, para masiguro na walang adik na makakapasok sa kanilang hanay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.