2 natagpuang patay sa kotse sa Bulacan, nakilala na

ABS-CBN News

Posted at May 15 2017 11:45 AM

MAYNILA - Natukoy na ng pulisya Lunes ang pagkakakilanlan ng lalaki at babaeng pinagbabaril at natagpuang patay sa loob ng isang isang itim na sasakyan sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Ang babaeng biktima na natagpuang naka-posas at may busal sa bibig ay kinilalang si Midwae Ann del Barrio, 20 anyos.

Nakilala naman sa pangalang Edgardo Bernardo ang lalaking biktima, na isang 42-anyos na negosyante.

Kapwa residente ng Tandang Sora, Quezon City sina Del Barrio at Bernardon.

Linggo ng madaling araw nang matagpuan ang sasakyan ng mga biktima sa bahagi ng Quirino Highway sa Bulacan.

Narekober sa kotse ang isang sachet ng hinihinalang shabu at isang listahang may nakalagay na "Mga Pulis na Tulak."

Ayon kay Supt. Fitz Macariola, hepe ng San Jose del Monte police, patuloy na iniimbestigahan ang ang mga pangalan sa listahan.

Una nang sinabi ni Macariola na aalamin din ng mga imbestigador
kung miyembro ng sindikato ang dalawa o sindikato ang nasa likod ng pamamasalang sa kanila.

Gusto rin nilang matiyak kung sa San Juan Del Monte ba o sa ibang lugar pinaslang ang mga biktima. -- ulat mula kay Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.