PatrolPH

Lalaki patay, higit 1,000 pamilya apektado sa sunog sa Maynila

Andrea Taguines, ABS-CBN News

Posted at May 14 2023 11:41 AM | Updated as of May 14 2023 09:34 PM

Sunog sa Oroquieta Street sa Santa Cruz, Maynila, Mayo 14, 2023. Andrea Taguines, ABS-CBN News
Sunog sa Oroquieta Street sa Santa Cruz, Maynila, Mayo 14, 2023. Andrea Taguines, ABS-CBN News

(UPDATE) Patay ang isang lalaki sa sunog na sumiklab sa Santa Cruz, Maynila nitong madaling araw ng Linggo, sabi ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Natagpuan ang nasawi sa kapilya ng Barangay 310, ayon sa BFP, na nagsabi ring may 4 na nasugatan at 2 pang pinaghahanap kasunod ng sunog.

Aabot sa 1,200 pamilya at 400 bahay ang apektado ng sunog sa Oroquieta Street, ayon sa BFP.

Bandang alas-6:43 ng umaga nang madeklarang under control ang sunog na sumiklab alas-2:49 ng madaling araw. Bandang tanghali naman nang magdeklarang fire out ang mga bombero.

Ayon sa BFP, nahirapan silang patayin ang apoy dahil sa sobrang sikip sa lugar.

"Nandyan 'yong napakalaki ng apoy, napakausok, napakadaming tao. Wala nga kaming possible na daanan para pasukin kagad 'yong nasa likod kaya napakahirap talaga ng situwasyon namin para maapula ang apoy," ani Senior Fire Inspector Alejandro Ramos.

Watch more News on iWantTFC

Tinatayang nasa P1.5 milyon ang halaga ng ari-ariang naabo.

Dahil madaling araw at marami ang natutulog nang mangyari ang sunog, marami sa mga residente ang hindi na nakapagsalba ng kanilang gamit tulad ni Mary Pearl Benedicto, na mas inuna umano ang paghahanap sa kaniyang 4 na taong gulang na anak.

"Noong nasa hagdanan na po, 'yong isang anak ko nabitawan ko po siya so umalis po siya, dire-diretso... sa isip ko, kahit walang gamit, basta makita ko lang 'yong anak ko. Buti na nga lang nakita po siya ng kapatid ko," ani Benedicto.

Nakapagbigay na ng paunang tulong tulad ng pagkain at tubig ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa mga nasunugan.

Inaayos din umano ng mga opisyal ng Barangay 301 ang pansamantalang tutuluyan ng mga apektadong residente.

Nasunog na tawiran ng LRT-1 at LRT-2 sa may Maynila. Retrato mula sa LRT-2
Nasunog na tawiran ng LRT-1 at LRT-2 sa may Maynila. Retrato mula sa LRT-2

Samantala, pansamantalang naantala ang operasyon ng LRT-2 Recto Station matapos magsagawa ng clearing at safety assessment.

Naapektuhan kasi umano ng sunog ang power supply at signaling systems ng naturang istasyon.

Pero ayon sa pamunuan ng tren, hindi pa maaaring daanan ang connecting bridge mula Recto Station papuntang Doroteo Jose Station ng LRT-1, na apektado rin ng sunog.

Inabisuhan umano ang mga komyuter na dumaan muna sa ibaba o kalsada habang isinasaayos pa ang tulay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.