PatrolPH

11 guro positibo: In-person classes sa paaralan sa Isabela, suspendido dahil sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at May 14 2023 02:48 PM

Sinuspende nang isang linggo ang in-person o face-to-face classes sa isang eskuwelahan sa Cabatuan, Isabela matapos magpositibo sa COVID-19 ang ilang guro at estudyante.

Noong Huwebes inumpisahang ipatupad ang suspensiyon sa Cabatuan National High School sa Barangay Del Pilar alinsunod sa utos na inilabas ni Mayor Mayor Bernardo Garcia Jr.

Dahil dito, balik muna sa blended na online at modular learning ang pag-aaral ng aabot sa 2,224 estudyante hanggang Mayo 17.

Ayon sa school principal, 11 guro at 2 estudyante ang naitalang positibo sa COVID-19 noong Miyerkoles.

Sumailalim na umano ang mga nagpositibo sa isolation habang patuloy ang contact tracing sa mga nakasalamuha nila.

Inaalam din kung paano nagkaroon ng COVID-19 infection sa paaralan.

Patuloy naman ang pagpasok ng ibang teaching at non-teaching staff upang ma-monitor ang distance learning.

Nagpaalala naman ang lokal na pamahalaan sa mga residente na mag-ingat at sumunod pa rin sa minimum health standards, lalo't tumaas ulit kamakailan ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

- Ulat ni Harris Julio

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.