"Bad timing at pananabotahe."
Ito ang reaksyon ng grupo ng mga negosyante sa Bacolod City sa inaprubahang wage increase sa Western Visayas ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board.
Sa Wage Order No. 26 para sa dagdag-sweldo ng mga minimum wage workers, ang mga nagtatrabaho sa non-agricultural at commercial industries ay makakatanggap ng dagdag na P55 kada araw.
Ibig sabihin, mula P395 ang kanilang sasahurin kada araw ay magiging P450 na. Pero sa mga maliiit na negosyo na mababa sa 10 ang mga empleyado, nasa P110 ang idadagdag bawat araw.
Sa agricultural naman, P95 ang dagdag sa kanilang minimum wage na P315 para maging P410.
Pero ayon kay Frank Carbon, presidente ng Metro Bacolod Chamber of Commerce and Industry (MBCCI), hindi ito kaya ng mga kumpanya sa ngayon.
Kanilang hinihiling na ipapatupad na lang sana ito sa second half ng taon dahil hindi pa nga nakakabawi ang mga negosyo dahil sa pandemic, bagyo at sa mga epekto sa ekonomiya dahil sa gyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
“That’s up to them but we are saying we cannot afford it. In short, they will be sabotaging our economic recovery sa Region 6 by forcing that. Di ba we cannot afford it. Either you open up or hindi na lang. I just fold up,” giit ni Carbon.
Subalit ayon naman sa labor representative sa RTWPB na si Wennie Sancho, dalawang taon nang walang dagdag sahod ang mga manggagawa kahit nagsitaasan na ang presyo ng mga bilihin at nakailang beses na ang fuel price hike.
“In the past if ever may mga increases barya-barya lang, masyadong maliit. So I think with this present economic crisis brought about by the unabated increase in the prices of petroleum products and almost all goods and services, dapat magkaroon ng increase ang mga workers although not substantially. Ang P55 is only about 57% of the amount that we are asking to restore the purchasing power of the workers which is P95,” sabi ni Sancho.
Nagpaliwanag na kung walang petisyon laban dito, ang wage order ay puwede nang maipapatupad 15 araw matapos mailathala sa mga pahayagan. - ulat ni Angelo Angolo
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.