PatrolPH

2 menor de edad sa Norzagaray tiklo sa tangkang pagpatay

ABS-CBN News

Posted at May 14 2022 05:57 AM

MAYNILA—Arestado ang dalawang menor de edad na lalaki matapos umano silang manutok ng baril at manaksak ng nakaalitan sa Norzagaray, Bulacan.

Kinilala ang mga suspek na si "Pipoy" at "Bistek", kapwa 16-anyos habang ang biktima ay kinilalang si "John", 19.

Sa inisyal na imbestigasyon, pauwi umano ang biktima bandang alas-12 ng hatinggabi nitong Sabado nang abangan siya ng mga suspek na armado ng improvised shotgun at patalim sa Brgy. Minuyan.

Tinutukan ng mga suspek ng baril ang biktima bago siya sinaksak ng patalim sa dibdib.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga suspek habang isinugod sa ospital ang biktima na nasa kritikal na kondisyon.

Sa isinagawang follow-up operation ng Norzagaray police, nadakip ang dalawang suspek at narekober ang improvised shotgun at mga bala.

Nag-ugat umano ang tangkang pagpatay dahil sa personal na away.

Positibong itinuro ng dalawang saksi ang mga menor de edad.

Nasa kustodiya na ng municipal social welfare and development office ang mga suspek.—Ulat ni Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.