PatrolPH

'Terrorist list' ng Anti-Terrorism Council nakababahala: grupo ng mga abogado

ABS-CBN News

Posted at May 14 2021 07:02 PM | Updated as of May 14 2021 09:51 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Nababahala ang Philippine Bar Association sa paglalabas ng Anti-Terrorism Council (ATC) ng listahan ng mga indibidwal na itinuturing nilang terorista.

Sabi ni Rico Domingo, presidente ng grupo, may "chilling effect" sa taumbayan ang naging hakbang ng ATC lalo't hindi malinaw ang pamantayan ng konseho sa pagbabansag kung sino ang terorista.

Giit pa ni Domingo, takaw abuso ang batas pagdating sa privacy.

"Ang takot ko po dito 'yung mga kaibigan nila (designated terrorist) na hindi naman talaga nata-tag na kasama sa mga organisasyon... considering the broad radius of our technology right now, you can really expand the scope of the surveillance and the eavesdropping and that would be already infracting of the right to privacy of the third parties," ani Domingo.

Sabi naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, puwedeng hulihin ang mga indibidwal sa listahan kung may warrant of arrest silang nakabinbin.

Inamin din ni Año na may mga tumutugis na sa ilang nasa listahang inilabas ng ATC noong Huwebes, kabilang ang mga pinakawalan para makilahok sa peace talks.

Sabi naman ni Justice Undersecretary Adrian Sugay, tagapagsalita ng ATC, maaaring maghain ng petisyon ang mga nailistang terorista.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.