PatrolPH

5 ektaryang sakahan sa Malolos nasunog; ilang residente inilikas

ABS-CBN News

Posted at May 14 2021 03:48 AM

5 ektaryang sakahan sa Malolos nasunog; ilang residente inilikas 1
Screengrab mula sa drone video ng Malolos City Fire Station

MALOLOS—Nasa 5 ektarya ng sakahan ang nasunog sa lungsod na ito sa Bulacan nitong Miyerkoles, dahilan para magdulot ng makapal na usok na nakaapekto sa ilang residente, sabi ng awtoridad. 

Magtatanghali noong Miyerkoles nai-report ang grassfire sa malaking bahagi ng Barangay Dakila, pero dahil daw sa malakas na hangin, mabilis na kumalat ang apoy sa mga tuyong dayami. 

Sa inisyal na imbestigasyon ng Malolos, napag-alamang sinunog ng isang magsasaka ang mga tuyong dayami sa kaniyang sakahan.

KAUGNAY NA BALITA: 

Watch more on iWantTFC

Dahil umano sa matinding sikat ng araw, madaling nagliyab ito pati sa damuhan.

Ayon naman kay Rhoderick Marquez, city fire marshal ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Malolos, bawal ang pagsusunog nito. 

“Marami po tayong ipinakalat na tarpaulin, isang malaking tarpaulin at isang maliit na tarpaulin sa bawat barangay na sinasabi nating meron po tayong ordinansa na bawal po ang pagsusunog. Kayo po ay mapaparusahan," ani Marquez. 

Minultahan na raw ng P1,500 ang nasabing magsasaka at nakatakdang magsagawa ng community service ayon sa parusa ng ordinansa ng pamahalaang lokal ng Malolos.

Samantala, nagpahiram na ng mga drum na may mga lamang tubig ang BFP sa mga may-ari ng mga sakahan sa syudad para mabilis maapula ang anumang maganap na sunog.

Nahirapan naman ang ilang motorista sa pagmamaneho lalo't nabalot ng makapal na usok ang daan sa tabi ng nasusunog na mga dayami.

Inabutan din ng makapal na usok ang ilang malapit na residente na kaagad namang sinagip ng mga bumbero.

Ayon sa ilang residente, hindi raw sila makahinga dahil sa usok, pero tinulungan naman sila ng kanilang barangay na makalikas pansamantala. — Ulat ni Gracie Rutao

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.