Arestado ang isang lalaking unang sinita sa paglabag sa minimum health protocols matapos mahulihan din ng baril sa Barangay Catubig, sa bayan ng Badiangan, Iloilo, hapon ng Huwebes.
Base sa imbestigasyon ng Badiangan police, nagroronda ang pulisya sa lugar nang makakita ng 3 lalaking nakatambay sa gilid ng kalsada at walang suot na face mask.
Kumaripas ng takbo ang dalawang kasamahan ng suspek kaya naiwan ito nang maabutan ng mga awtoridad.
Nang sitahin ang lalaki kung bakit siya walang suot na face mask ay napansin ng kapulisan na may naka-umbok na baril sa likod ng suspek kaya kaagad siyang inaresto.
Napag-alamang walang kaukulang dokumento ring maipakita ang suspek nang mahuli ito.
Nakuha sa suspek ang isang 9 mm caliber pistol, dalawang magazine na puno ng bala, isang box na may 32 na mga bala ng 9 mm caliber pistol, at 10 bala ng .45 caliber pistol.
Nakakulong na ang suspek sa Badiangan police office at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.
— Ulat ni Rolen Escaniel
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, minimum health protocols, health standards, face mask, Badiangan, Iloilo, regional news, regional stories