MAYNILA - Tinutulan ng ilang grupo maging ng ilang opisyal ang hirit na gumamit ng vaccine pass para makapasok sa mga indoor na establisimyento.
Para sa labor group na Defend Jobs PH, magdudulot ito ng diskriminasyon sa mga taong walang access sa bakuna.
Tingin nila na dapat ibalik ang tuon sa responsibilidad ng pamahalaan na magbigay ng bakuna.
"Discrimination na kailangan ang vaccine pass bago makapasok ng establishments. Hindi po dapat 'yun unahin. Nawawala ang responsibility ng government. Sila nga dapat ang tanungin kung kumusta na ang pagbabakuna natin," ani Defend Jobs Philippines Spokesperson Christian Lloyd Magsoy.
Ayon kay Metro Manila Council chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, kulang pa ang suplay sa ngayon para obligahin ang mga customer na magkaroon ng vaccine pass.
Sa Parañaque aniya, nasa 10 porsiyento pa lang ang nababakunahan na malayo sa target na 70 porsiyento para makamit ang herd immunity.
Dahil dito, mas mabuti aniyang bigyan na lang muna ng incentive ang mga nabakunahan na kaysa magpatupad ng vaccine pass.
"Bibigyan sila ng incentive tulad ng kaunting dessert, kaunting item para lang ma-encourage silang magkaroon ng vaccine," ani Olivarez.
"'Yung ating pagbibigay ng vaccine pass talaga, it would be unfair doon sa hindi pa nava-vaccinate dahil hindi pa sufficient ang ating vaccine," dagdag ni Olivarez.
Ayon naman kay Department of Trade and Industry secretary na si Ramon Lopez, hindi dapat mandatory ang vaccine pass.
"If ever 'yung vaccine card or ID or pass ay gawing parang insentibo, either magkaroon ng extra discount or puwede na silang umupo nang harapan. Kunyari ngayon bawal lumabas 'yung over 65…baka payagan na, pakita lang 'yung pass, hindi ho 'yung mandatory na bawal pumasok pag walang vaccine," ani Lopez.
Hindi rin inirerekomenda ng Department of Health ang vaccine pass.
Ayon kay Undersecretary Maria Rosario Vergeire, tagapagsalita ng DOH, wala pang sapat na ebidensiya na nagpapakitang ang mga nakakumpleto ng COVID-19 vaccine doses ay hindi na tatamaan ng COVID o kaya ay makapanghahawa nito.
"Itong sinasabing vaccine pass ay hindi pa rin po mairerekomenda ng ating Kagawaran ng Kalusugan,” ani Vergeire.
Sa ngayon, aniya, ang tinitiyak lang ng mga bakuna ay maiiwasan ang malalang kaso ng COVID na nauuwi sa hospitalisasyon o kaya ay pagkamatay.
"Sa ngayon po, even if you are fully vaccinated, meaning you have completed 2 doses, kailangan pa rin natin magpatupad ng minimum health protocols," ani Vergeire.
Dagdag niya: "Dahil dito sa pauna na mga ebidensiyang ibinigay sa atin, hindi nakakapag-block ng transmission adequately itong mga bakunang mayroon tayo ngayon. Sabi nga natin, ang pinaka-assurance na nakukuha natin ngayon sa vaccines is reducing severe infections and hospitalizations, but as to preventing mild to moderate infections, hindi pa rin ho tayo nagbibigay ng ganyang assurance sa ating mga kababayan."
Ang grupong Resto.ph, sinabing bawat linggo ay may nagsasarang restoran dahil sa paulit-ulit na paghihigpit at mababang kapasidad sa dine-in kaya sang-ayon silang magkaroon ng vaccine pass.
"We are working with local government units for a vaccine pass to help seniors come to restaurants… It would also help government increase capacity of restaurants hopefully up to 50 percent," ani Eric Teng, pinuno ng Resto.ph.
Maaalalang itinulak ng private sector, sa pangunguna ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion maging ng DTI ang paggamit ng vaccine pass para mahikayat ang pagbabakuna.
Sa ngayon ay mahigit 2.6 milyon pa lang ang nababakunahan ng unang dose ng COVID-19 jabs sa bansa. Kailangang mabakunahan ang aabot sa 70 milyong katao para makamit ang herd immunity.
-- May ulat nina Vivienne Gulla at Zen Hernandez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, vaccine pass, bakuna, pagbabakuna, COVID-19 vaccines, Edwin Olivarez, indoor establishments, TV Patrol, indoor dining, Covid-19, vaccination